MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong estafa ang ilang dating opisyal ng Philippine Airlines Employees Association na umano’y hindi na konektado sa kumpanya makaraan nitong kolektahan ng libu-libong piso ang ilang natanggal na kasamahan kapalit ng umano’y pagkakabalik ng mga ito sa trabaho.
Nangunguna sa sinampahan ng nabanggit na asunto ay ang dating PALEA President na si Gerry Rivera na sinasabing kabilang din sa mga kasalukuyang nominee ng Partido Manggagawa Partylist na sasabak sa 2016 elections.
Bukod kay Rivera, sinampahan din ng kasong kriminal ang ibang pang mga dating opisyal ng PALEA na sina Alnem Pretencio, Ambrocio Palad, Alfred Ramiso, Ramon Patrick Salud, Epifanio Bagsic, Emmanuel Gan, Renato Rivera, Arthur Apostol, Alan Mindo at Eugene Soriano.
Batay sa estafa complaint na isinampa ni Regidor Darole, isang dating trabahante ng PAL sa maintenance and planning division ng kumpanya, siya at ang kanyang mga kasamahang manggagawa ay nagoyo umano ng tig-mahigit P50 libo. Kung susumahin, aabot daw sa halos P35-milyon ang nakolektang pondo.
Sa kanyang reklamo sa Pasay City Prosecutor’s Office, isinalaysay ni Darole na ang mahigit P50 libo ay kinuha sa kanya ng grupo ni Rivera bilang kapalit ng pagkakabalik sa trabaho kahit na ang tungkulin na dating ginagawa ay idinaan na ng PAL sa outsourcing o paggamit ng manpower pooling agency.