Abaya, Honrado inireklamo sa Ombudsman sa ‘tanim bala’

Dahil sa takot na mataniman ng bala, binalutan na ng ilang pasahero ang kani-kanilang mga maleta upang maiwasang mabiktima ng umano'y "tanim bala" scam sa mga paliparan. KRIZ JOHN ROSALES/RUDY SANTOS

MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong administratibo si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at iba pang opisyal ng paliparan dahil sa umano’y "tanim bala" scam sa Ninoy Aquino International Airport.

Inihain nina Sen. Alan Peter Cayetano, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez at  Network of Independent Travel Agents (NITAS) Chairman Robert Lim Joseph ang reklamo sa Office of the Ombudsman ngayong Martes ng umaga.

Nais nina Cayetano na patawan ng preventive suspension sina Abaya, Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado, Office for Transportation Security (OTS) Administrator Rolando Recomono at Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-Avsegroup) Director Pablo Balagtas habang iniimbestigahan ang serye ng panghuhuli ng mga pasaherong may dalang bala sa loob ng mga maleta.

BASAHIN: Media sinisi ng Palasyo sa tanim-bala sa NAIA

"That a preventive suspension order be levelled against all the Respondents; That an investigation be conducted in order to determine the extent of administrative and criminal liability and civil liability to the victims," nakasaad sa reklamo.

Nais din ng mga nagrereklamo na sipain sa opisina ang mga opisyal ng paliparan oras na mapatunayang itinatanim nga ng mga kawani ng paliparan ang mga bala sa maleta ng mga pasahero upang mangikil.

BASAHIN: Palasyo nais mawala ang takot ng publiko sa NAIA

Sinabi naman kahapon ng Palasyo na iniutos na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-iimbestiga sa umano’y modus operandi sa paliparan.

­

Show comments