MANILA, Philippines – Isang gusali na ginagawa pa lamang ang nasunog sa Pasig City kahapon ng hapon.
Nabatid mula kay Senior Supt. Samuel Tadeo, hepe ng Bureau of Fire Protection, na ang sunog ay nagsimula dakong ala-1:38 ng hapon sa stock room sa basement II ng ginagawang Avantgard building na makikita sa Julio Vargas St., Meralco Avenue, Ortigas Center, Pasig City.
Ilang pagsabog ng LPG, acetylene tank at naka-imbak na pintura ang naririnig ng mga bumbero sa tuwing lumalapit sila at binubugahan ng tubig ang apoy sa gusali.
Ayon kay Tadeo, nahirapan ang kanyang mga tauhan na pasukin ang basement ng gusali dahil sa kapal ng usok at kinakailangan pang gumamit ng oxygen at maaari lamang magtagal ng 15 minuto sa loob ng basement.
Sinabi ni Tadeo na maitim at mabahong usok ang lumalabas mula sa nasusunog na gusali. Hindi pa mabatid ng mga kagawad ng pamatay sunog ang pinagmulan ng apoy at wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa nasabing sunog.
Lumikha ng masikip na daloy ng trapiko ang nasabing sunog hanggang tuluyang isara sa mga motorista ang kahabaan ng Meralco Ave. Pasig City. Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong 4:44 ng hapon.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng ari-ariang natupok sa sunog.