Media sinisi ng Palasyo sa tanim-bala sa NAIA
MANILA, Philippines – Sinisi ng Malacañang ang media na nagpalaki lang umano sa mga kaso ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon pa sa tagapagsalita ng Palasyo, iilang insidente lang ang kontrobersiyal na tanim-bala na kailangang pag-aralang mabuti lalo pa at ang turistang Hapones na nakitaan ng bala sa kanyang maleta ay umamin sa sarili nitong pagkakamali.
Ipinahiwatig ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ang “meron lang ay yaong inirereport sa media na lihis (slew). Kaya nais ng Pangulo na magsagawa ng malawakang imbestigasyon.”
Inihalimbawa niya ang kaso ng turistang Hapones na nahulihan ng bala sa kanyang maleta. “Inamin po niya na nanggaling siya sa isang shooting range, nadala niya iyong bala mismo. Kaya wala iyong ibinibintang na pagtatanim ng bala,” giit ni Lacierda.
Ipinahiwatig din ni Lacierda na hindi pa rin tatanggalin ni Pangulong Benigno Aquino III sa puwesto si Manila International Airport General Manager Jose Angel Honrado kahit pa ipinanawagan ng ilang mga kongresista ang pagsibak sa huli kaugnay ng kontrobersiya sa mga insidente ng laglag-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Sinabi pa ni Lacierda na hindi kasama sa napag-usapan kahapon sa pulong ng Pangulo at ni Department of Transportation and Communication Secretary Joseph Emilio Abaya ang panawagan ng mga mambabatas laban kay Honrado.
Ayon kay Lacierda, binigyan lang ng briefing ang Pangulo tungkol sa mga insidente ng laglag-bala at ang paghahanda ng MIAA sa nalalapit na APEC Summit.
Nauna rito, sinabi ni Lacierda na inutos na nina Pangulong Aquino at Abaya ang imbestigasyon sa umano’y “laglag-bala” scam sa NAIA. Idinagdag niya na inutos na rin ni Abaya ang pagdadagdag ng mga closed-circuit television camera sa mga terminal ng pandaigdigang palirapan.
Meron ding napaulat na pahayag ni Abaya na hindi sila mag-aatubiling kasuhan at tanggalin sa trabaho ang mga tauhan na sangkot sa naturang mga paglabag.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ni MIAA spokesman David Castro na may limang kaso ng tanim-bala ang naitala mula nang mabunyag ang anomalya. Kabilang sa mga biktima ang isang pasaherong nakasilyang de-gulong, isang misyonero, isang Overseas Filipino Worker, isang pasaherong Hapones at isang Nimfa Fontanillas.
Sinabi ni Castro na ang mga biktima ng tanim-bala ay maaaring dumulog sa MIAA help desk.
Nabatid din kay Castro na 40 airport security personnel na ang naimbestigahan kaugnay ng tanim-bala at iba pang mga kaso mula pa noong 2008. Iimbestigahan din anya ang kaso ng isang taxi driver na nagtanim umano ng isang bala sa isa nitong pasahero na patungo sa paliparan. (May ulat mula sa GMA News at ABS-CBNNews)
- Latest