MANILA, Philippines – Binanatan kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa kabiguan nitong ibigay ang pensyon ng may mahigit 55-libong senior citizens sa bansa.
Ayon kay Joey Salgado, head ng Office of the Vice President Media Affairs, hindi natanggap ang mahigit P335 milyong pension noong 2014 ng may 55,496 indigent senior citizens sa Metro Manila, Bicol, Western Visayas, SOCCSKSARGEN at CARAGA.
Iginiit ni Salgado na ang kabiguan ng DSWD na ipamahagi ang nasabing pondo sa mga senior citizens ay kontra sa magandang layunin ng programang tinawag na Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) na tulungan ang mga elderly na mabigyan ng mas maayos na pamumuhay.
Sa 2014 report ng Commission on Audit (COA) sa DSWD, nabatid na 48 posrsyento ng mga benepisyaryo ang hindi nakakuha o nakatanggap ng government assistance.
Nabatid sa ulat ng COA na mula sa 116,637 SPISC beneficiaries, 55,496 dito ang hindi naka-claim ng kanilang pension na nagkakahalaga ng P335.738 milyon.
Dahil dito, nanawagan si Binay sa DSWD na ayusin ang kanilang sistema upang matiyak na hindi mawawala ang nasabing pondo at mapapabilis ang pagpapalabas ng cash grants sa mga senior citizens upang may pambili sila ng mga gamot, pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan.
Binanggit din ng COA na bukod sa kabiguan ng DSWD na ipalabas ang pension ng mga seniors, maging ang cash grants ng mga beneficiaries ay naantala.