MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagtutol si Congresswoman Leni Robredo sa planong alisin ang tax exemption sa mga kooperatiba dahil makakapigil anya ito sa pag-unlad ng sektor at sa kapasidad nitong makatulong sa mga nangangailangang Pilipino.
“Dapat hadlangan ang anumang plano na alisin ang ibinibigay na tax exemption sa mga kooperatiba dahil malaki ang magiging epekto nito sa kanila,” wika ni Robredo sa kanyang talumpati sa harap ng 3,000 miyembro ng iba’t-ibang kooperatiba sa isang pagtitipon sa Iloilo City.
“Titiyakin nating hindi ito mangyayari,” dagdag pa ni Robredo na kandidatong bise presidente ng makaadministrasyong Liberal Party sa halalang pambansa sa susunod na taon.
Iginiit ni Robredo na, sa halip na tanggalin ang tax exemption na ibinibigay ng batas, dapat ibuhos ng pamahalaan ang lahat ng tulong sa mga kooperatiba para mas marami silang matulungan na nangangailangang Pilipino.
Ginawa ni Robredo, na nagtrabaho dati bilang abogado para sa mahihirap na komunidad, ang pahayag sa harap ng pangamba ng mga kooperatiba na aalisin ang tax exemption na ibinibigay ng Cooperative Code of the Philippines sa panukalang Fiscal Incentives Rationalization Law.
Tutol ang Philippine Cooperative Center sa pagpapawalambisa sa Articles 60 at 61 ng Cooperative Code of the Philippines o Republic Act 9520 sa layuning alisin ang tax exemption ng mga kooperatiba sa bansa.
Binibigyan ng Republic Act 9520 ang mga kooperatiba na may asset na hindi lalampas ng P10 milyon ng exemption sa lahat ng national, city, municipal o barangay taxes.
Hindi rin saklaw ang mga kooperatiba sa customs duties, advance sales o compensation taxes sa kanilang pag-aangkat ng makinarya, gamit at spare parts na kanilang ginagamit.