ATM walang problema sa cash - BSP

MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sobra-sobra ang peso bills na isinusuplay kaya walang dahilan para maubusan ng cash ang automated teller machines (ATMs) at mahirapan ang publiko sa pagwi-withdraw.

Gayunpaman, nagpaalala ang BSP na huwag ugaliin na ang ATM card ay gawing ‘wallet’ na kung kakailanganin ay saka lamang magwi-withdraw at hindi isinasaalang-alang na maaring magkaroon ng problema sa kanilang pagkuha ng pera lalo na kung emergency partikular ngayong Undas.

Sinabi ni BSP Assistant Governor Johnny Noe Ravalo, bagamat 24/7 ang mga ATM kahit weekend at Undas, hindi maiiwasan na magkaroon ng problemang teknikal ang makina o maubusan ng pera.

Tiniyak naman niyang napaghandaan ng mga bangko ang pagdagsa ng mga magwiwithdraw dahil araw ng sweldo at marami ang magbabakasyon.

Sakaling may ATM na maubusan ng pera ay repleksyon ito ng kapabayaan ng bangko. 

Sa panig ni Fe dela Cruz, director for Corporate Affairs ng BSP, kahit Undas o weekend, may ibang bangko na nagbubukas sa loob ng mga mall na kadalasan ay mas mahaba ang operating hours.

Show comments