MANILA, Philippines – May sabwatan umano ang ilang tiwaling personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para biktimahin ang mga pasahero dito sa isyu ng ‘tanim-bala,’ pangingikil at pagnanakaw.
Sinabi ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, chairman ng House Committee on Labor, na may mga impormasyon siyang natanggap na may kutsabahang nangyayari sa panig ng mga bugok na porters, mga tiwaling tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS) at ilang kasapi ng pulisya rito dahil sila diumano ang nagpa-plano para diinan ang isang pasahero na gusto nilang biktimahin.
“From what I was told, it is the porters that place the bullets in the luggage of their victims and their contacts at the OTS and the PNP Aviation Security Office carry out the arrest and the negotiations for the pay off. It’s not just bullets that are being planted but also illegal narcotics,” sabi ni Nograles.
Kinondena rin ni Nograles si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel Honrado, dahil imbes magsagawa ng isang masusing imbestigasyon sa mga reklamo ng mga nabiktimang pasahero ay binabalewala umano ang mga ito at pinasisinungalingan pa.