MANILA, Philippines – Hinatulan kahapon ng Sandiganbayan na makulong ng 10 taon si dating Pantabangan, Nueva Ecija Mayor Lucio Uera matapos mapatunayang guilty sa kasong graft dahil sa conflict of interest.
Si Uera ay nagkasala sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) nang aprubahan ang isang kontrata para sa isang maintenance firm na ang kanyang asawa ay incorporator nito.
Bukod sa kulong, pinagbabawalan na rin ng batas na makaupo sa anumang posisyon sa gobyerno si Uera.
Sinasabing noong March 2002, lumagda sa isang service contract si Uera sa pagitan ng Priva Power and Allied Services (Priva) para sa pangangasiwa ng Pantabangan Municipal Electric System. Bunga nito, nagbayad si Priva ng P1.11 milyon bilang maintenance at operation expense payments.
Ayon sa prosekusyon, nakinabang si Uera sa naturang kontrata dahil ang kanyang asawa ay isang incorporator, stockholder at director ng Priva na sinertipikahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon pa sa Sandiganbayan, ginamit ni Uera ang kanyang opisina para sa pagsasagawa ng kasunduan sa Priva.