MANILA, Philippines – Isang Pinay manager ang natagpuang patay matapos na makulong at manigas sa loob ng isang nagyeyelong cryotherapy chamber sa isang beauty salon sa Nevada, USA noong nakalipas na linggo.
Sa report ng The Washington Post, si Chelsa Ake-Salvacion, 24, manager ng Rejuvenice Clinic sa Herderson, Nevada ay natagpuan ng kanyang kapwa kawani na wala nang buhay sa nasabing chamber dahil sa pagka-expose ng katawan mula negative 240 degree Fahrenheit temperature.
Karaniwang ginagamit ang cryotherapy chamber ng mga sikat na celebrities at sports athletes para sa facial at mosturizer treatment, habang nakakatulong umano ito upang maibsan ang nararamdamang sakit sa katawan, nakakapagpalakas ng immune system, detoxifies at tissue healing, nakakapagbigay ng instant anti-aging effects at nakaka-burn umano ng 500-800 calories sa loob ng 3 minutong sesyon.
Bagaman mag-isa lang si Salvacion sa cryotherapy clinic, sinabing alam umano nito na i-operate ang naturang chamber machine.
Tinitingnan ng mga imbestigador na posibleng nagkaroon ng “operator-error” na naging sanhi ng kamatayan ng nasabing Pinay matapos gamitin ang nasabing makina.