MANILA, Philippines – Nag-krus kahapon ang landas ng tatlong presidential candidate sa 41st Philippine Business Forum na binuo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.
Dumalo at nagsalita sa harap ng mga miyembro ng PCCI sina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Santiago at dating DILG secretary Mar Roxas.
Sa tatlo, si Roxas lamang ang tumanggap ng mga katanungan mula sa mga miyembro ng audience.
Si Binay at Santiago ay tumanggap ng mga tanong mula sa naitalagang moderator ng mga organizer.
Una sanang pagkakataon ang forum na ito na magkaharap-harap sa isang debate ang mga leading presidentiables ngunit biglang binawi ng kampo ni Sen. Grace Poe ang pagdalo nito sa forum. Sa halip na harap-harapang debate sa isang entablado ay minabuti na lamang ng mga organizer na bigyan ng solong oras ang mga kandidato.
Pagkatapos sumalang nila Santiago, Binay at Roxas ay dumating bigla si Poe, na naging dahilan ng pagkalito at pagkagulat ng mga organizer ng event. Maraming reporter ang saksi sa pag-uusap ng mga organizer at ng isang miyembro ng staff ni Poe na ipinilit na maisama pa rin sa programa si Poe kahit tapos na ang time slot nito at biglaang umatras nung gabi bago ang mismong araw ng event.
Hinayaan munang kumain ng tanghalian si Poe habang inayos ng mga organizers ang schedule ng mga magsasalitang iba sa hapon. Pinayagan ding magsalita si Poe kinalaunan. Inamin ni Poe na nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa pag-aayos ng kanyang schedule.
Natapos ang forum na hindi tumanggap ng tanong si Poe sa mga miyembro ng audience.