MANILA, Philippines – Walang nakikitang mali si Pangulong Aquino sa paglalayag ng US Destroyer sa West Philippine Sea.
Ayon sa Pangulo, walang nilalabag na international laws ang naturang US warship sa pagdaan nito sa West Philipine Sea.
Ayon sa Pangulo, dapat umiral ang freedom of navigation at malaya ang sinumang maglayag, US ship man o ibang barko sa mga karagatan basta naaayon sa international standards.
Nitong Lunes ay pumasok ang missile-guided destroyer ng US Navy na USS Lassen upang hamunin ang 12 nautical mile territorial limits ng China sa palibot ng mga itinayo nitong man-made island sa South China Sea.
Sinamahan ang USS Lassen ng P-8A Poseidon at P-3 surveillance aircraft ng Estados Unidos para magsilbing air cover at magresponde sakaling may mangyaring komprontasyon.
Hindi binigyan ng babala ng Amerika ang Beijing bago ang ginawang operasyon.
Ayon kay State Department spokesman John Kirby, kapag nagpapatupad ng freedom of navigation sa international waters, hindi na kailangang magpaalam sa ibang bansa.
Layunin ng hakbang na ito ng Amerika na hamunin ang claim ng Beijing.
Ito na ang pinaka-seryosong paghamon ng ginawa ng US sa claim ng China sa disputed islands.
Pero ayon sa Pentagon, simula pa lang ito at masusundan pa ang pagpapatrulya ng USS Lassen sa reclamation ng China.
Ayon naman kay Defense Sec. Voltaire Gazmin, pabor sa Pilipinas ang pagpapadala ng Amerika ng barkong pandigma.
Sinabi ni Gazmin na kung hindi haharangin o hahamunin ng China ang USS Lassen ay magpapatunay ito na umiiral pa ang “freedom of international navigation” kabilang ang paglipad sa himpapawid ng mga dayuhang eroplano.