Dating hepe ng SAF itinangging nagpapagamit kay Binay
MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni dating Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) director Getulio Napeñas ngayong Lunes ang usap-usapang ginagamit lamang siya ni Bise Presidente Jejomar Binay pandiin sa administrasyon kaugnay ng Mamasapano clash .
Tatakbong senador si Napeñas sa ilalim ng United Nationalist Alliance ni Binay sa eleksyon 2016.
"Hindi ako naniniwala. Hindi ako nagpagamit o ginagamit. Nakita n'yo 'yong prinsipyo, 'yong aking pagtatanggol dun sa Mamasapano investigation," wika ni Napeñas sa ABS-CBN News channel.
Hinangaan ng dating hepe ng SAF si Binay dahil siya lamang aniya ang tanging presidential aspirant na kumilala sa kabayanihan ng 44 tauhan niya na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero, habang si Pangulong Benigno Aquino III ay hindi.
"Hindi ko nakita na in-acknowledge niya 'yung kabayanihan openly in the public... even in all his speeches," dagdag niya.
Muling iginiit ni Napeñas na si Aquino dapat ang sisihin sa insidente dahil siya ang pinakamataas sa chain of command at may kapangyarihan upang magpadala ng tulong.
Kung manalo, nais pagtuunan ng pansin ng dating pinuno ng SAF ang criminal justice system sa bansa na inilarawan niyang mahina.
- Latest