MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang anti-corruption group kay Pangulong Noynoy Aquino na imbestigahan ang ulat na umano’y isang mahistrado ng Court of Appeals ang tumanggap ng suhol kapalit ng paborableng desisyon.
Sinabi ng Alliance for Walang Corrupt or AliWaCo na, batay sa kanilang impormasyon, tumanggap umano ang naturang hukom ng P20 milyon mula sa isang kontrobersyal na negosyante na sangkot sa government housing at port operations.
“Nababahala kami sa sistema ng hustisya sa bansa ngayong sangkot na naman sa isyu ng justice for sale ang Court of Appeals. Panahon nang manghimasok ang pamahalaang Aquino at ang Supreme Court at ilantad ang mga tiwaling mahistradong ito,” sabi ni AliWaCo spokesperson Dennis Mogare.
Ang kinukuwestyong mahistrado ay naging associate justice ng CA noong 2008.
Nanawagan din si Mogare kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na imbestigahan ang alegasyon na nabibili ang ilang desisyon sa CA.
Dapat din anyang magsagawa ang ethics committee ng CA ng imbestigasyon at magsumite ng report at rekomendasyon sa loob ng 30 araw.?Nakahanda anya ang grupo na isumite sa SC ang pangalan, detalye at mga katibayan laban sa mahistrado.