MANILA, Philippines – Inalmahan ng grupong Concerned Police Officers for Genuine Transformation ang ginawang pagsibak ni DILG Sec. Mel Senen Sarmiento kay Benguet Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. David Lacdan dahil sa mataas na bilang ng mga biktima ng bagyong Lando sa kaniyang hurisdiksyon.
Una nang ikinatwiran ni Sarmiento na ito’y bunga ng kakulangan na maipatupad ang preemptive at forced evacuation sa Benguet sa kabila ng misyong ‘zero casualty’ at utos na maagang preparasyon sa pananalasa ng malakas na bagyo.
Sa tala ng Office of Civil Defense (OCD) Cordillera nasa 21 ang death toll sa rehiyon kung saan 15 dito ay mula sa Benguet sanhi ng landslide at pagkalunod habang 18 ang nasugatan, 10 dito ay sa nasabi ring lalawigan.
“The PD of Benguet PSSUPT David Lacdan was hanged for a fault not his own (... for failure to evacuate residents from high-risk areas. - Forced evacuation is never under the sphere of influence of the police. The PNP is only a member and in support of the Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) which is headed by the Local Chief Executive,” anang mga opisyal ng PNP na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sa halip, sinabi ng mga ito na ang dapat unang panagutin ni Senen ay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office /Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, mga alkalde at gobernador sa kabiguang maipatupad ang implementasyon ng DILG Operation Listo.
“We hope the good SILG ( Secretary of Interior and Local Government) studied the disaster preparedness manual for Local Chief Executive before axing poor the poor Provincial Director,” katwiran pa ng mga ito.
Sinabi ng mga ito na sa kanilang pagkakaalam ay ginawa naman ni Lacdan ang kaniyang trabaho para ilikas ang mga tao sa mga landslide prone area pero pasaway ang ilang mga residente na nagsisipagtago at bumabalik sa kanilang mga bahay.