MANILA, Philippines - Sa halip makipagsapalaran sa pampanguluhang halalan sa Mayo 2016, dapat manatili na lamang sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Ayon kay 1-BAP Rep. Silvestre Bello III, mas makabubuti para kay Santiago na mag-senador na lamang muli dahil na rin sa kundisyong medikal nito.
Paliwanag ni Bello, masyadong maraming trabaho ang pagiging Pangulo ng bansa, kaya nararapat lamang na ang mahalal ay walang isyung medikal.
Sakali umanong manalo si Santiago, posibleng mahirapan siya lalo na kung hindi pa talaga siya cancer-free.
Nilinaw naman agad ni Bello na naniniwala siya sa kakayahan at kahusayan ni Santiago, subalit sa ngayon ay mas mainam kung magpagaling muna siya ng husto at huwag sumabak sa mabibigat na trabaho.
Mismong si Santiago ang nag-anunsyo noon na mayroon siyang Stage 4 cancer, subalit ngayon daw ay magaling na siya kaya napagpasyahang tumakbong Presidente.