MANILA, Philippines - Limang presidential candidates na lang ang matitira sa 130 na naghain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections para sa 2016 elections.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, mula sa 130 ay isasailalim nila ang 125 na kandidato sa serye ng hearings para malaman at mapagdesisyunan kung puwede silang tumakbo sa susunod na taon.
Aniya, inihain mismo ng Comelec Law Department ang disqualification case laban sa 125 candidates na naghain ng CoC mula October 12 hanggang 16.
Kapag hindi lulusot sa hearing ng Comelec ang mga kandidato ay agad silang idedeklarang nuisance candidates.
Sa ngayon sina Vice President Jejomar Binay, Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Defensor Santiago at dating DILG secretary Mar Roxas ang nangunguna sa mga presidential bets.
Bubusisiin din ng Comelec ang CoC ng 19 kandidato sa pagka-bise presidente habang 172 sa pagka-senador.
Ilalabas ang buong listahan sa Disyembre 10.
Samantala, pinapatawag na ng Comelec si Poe para dumalo sa preliminary investigation sa Nobyembre 3 kaugnay sa election offense case na inihain ni Rizalito David.
Sa reklamo ni David, nakagawa ng misrepresentation si Poe kaugnay ng kanyang deklarasyon sa kanyang CoC nuong 2012 tungkol sa kanyang citizenship at haba ng pananatili sa Pilipinas.
Naniniwala si David na si Poe ay hindi natural born citizen at hindi rin siya nakatugon sa dalawang taong residency requirement para sa pagka-senador.
Pinapadeklara naman ni Roxas bilang nuisance candidate ang isang naghain ng CoC na kapangalan niya.
Tumatakbo rin kasing pangulo ng bansa ang kandidatong si Manuel Antonio Roxas.