MANILA, Philippines - Sinuportahan kahapon ni Majority Leader Alan Peter Cayetano ang panawagan na ibaba ang binabayarang corporate at personal income tax at amiyendahan ang deka-dekada ng income tax brackets.
Ayon kay Cayetano, hindi na dapat hintayin pa ng mga opisyal ng gobyerno na magpalit ng administrasyon para isulong ang panukala na magiging daan para mapagaan ang binabayarang buwis ng mga mamamayan na pinakamataas sa Southeast Asia.
“Don’t wait for the next seven to eight months bago mag-eleksyon. Pwede namang ngayon pa lang, hamunin na ang mga kandidato, because almost all candidates [in the 2016 elections] are in government now. On calls to lower tax rates for Filipinos, we can do it now,” ani Cayetano.
Matagal na ring isinusulong ni Cayetano sa administrasyong Aquino na suportahan at madaliin ang pagpasa ng mga tax reforms bills na nakabinbin sa Kongreso.
Inihalimbawa ni Cayetano ang pahayag ni Steve Forbes, chairman at editor-in-chief ng Forbes Media sa isang interview sa 15th Forbes Global CEO Conference noong Oktubre 12, kung saan ipinahiwatig niyang maaring ikonsidera ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbawas sa corporate at income tax rates ng hindi nababawasan ang nakokolektang buwis.
Dapat aniyang pag-aralan ang panukala para sa benepisyo ng mga nasa middle class at ng mga mahihirap.
Sinabi ni Cayetano na kung gusto ng gobyerno ng totoong pagbabago at “inclusive growth” kailangang ipasa ang mga panukalang batas na direktang mapapakinabangan ng mga mamamayan.