MANILA, Philippines - Si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ang orihinal na may-ari ng dalawang “dummy corporation” na nakakuha sa maanomalyang kontrata sa pamahalaang lunsod ng Makati noong alkalde pa lang ng lunsod si Vice President Jejomar Binay.?
Ito ang isiniwalat ng dating aide at financial officer ni Binay na si Gerardo Limlingan na nagsalita sa kauna-unahang pagkakataon mula nang madawit sa umano’y mga iregularidad sa mga proyekto sa Makati.
Sinabi ni Limlingan sa isang motion na isinampa sa Court of Appeals na si Mercado ang orihinal na may-ari ng OMNI Security Investigation and General Services at ng Meriras Realty & Development Corporation.
Sa naunang mga pagdinig ng Senate blue ribbon committee hearing, ibinibintang ni Mercado na gumamit si Binay ng dummies tulad ng Omni para mailihim kung sino ang may-ari talaga nito. Idinagdag ni Mercado na nakuha ng Omni ang karamihan ng security at janitorial and maintenance services sa Makati City
“Taliwas sa maling akusasyon ni Mercado, siya ang orihinal na may-ari ng Omni at Meriras. Si Mercado ang namamahala sa mga kumpanyang ito hanggang noong taong 2000 nang ibenta niya ang kanyang sosyo kay Limlingan bilang bayad sa pautang nito sa kanya,” saad ni Limlingan sa kanyang motion.
Nang matalo si Mercado sa mayoralty election sa Makati City, nagpatulong siya kay Limlingan. Nag-alok si Limlingan na bibilhin niya ang shares ni Mercado sa Omni para matulungan ang dating vice mayor. Dahil dito, si Limlingan na ang may-ari ng 80 porsyento ng kumpanya.
“Sa puntong ito saka lang nasangkot si Limlingan sa mga operasyon ng Omni,” sabi pa sa motion.
Sa kaso naman ng Meriras, ayon pa kay Limlingan, naging isa itong korporasyon noong Disyembre 13, 1990 at naging pag-aari nina Mercado at ng kaibigan nitong negosyanteng si dating Makati City Engineer Nelson Irasga.
Idiniin ni Limlingan na ang pangalan ng Kumpanya ay kumbinasyon ng unang syllable ng pangalan nina MERcado at IRASga.
Ipinaliwanag ni Limlingan na nakakuha siya ng shares sa Meriras noong 1997 o pitong taon pagkaraan ng incorporation ng kumpanya.