18 patay sa bagyong Lando

Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, dalawa sa mga nasawi ay nakilalang sina Benita Famanilay, 62 na nadaganan ng gumuhong pader sa Subic, Zambales at Rannel Castillo, 14, nabagsakan  ng nabuwal na punong kahoy sa Quezon City. AP Photo/Bullit Marquez

MANILA, Philippines - Labingwalo (18) katao na ang naitalang nasawi habang 21 pa ang nasugatan sa hagupit ng bagyong Lando sa mga naapektuhan nitong mga lugar sa bansa.

Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, dalawa sa mga nasawi ay nakilalang sina Benita Famanilay, 62 na nadaganan ng gumuhong pader sa Subic, Zambales at Rannel Castillo, 14, nabagsakan  ng nabuwal na punong kahoy sa Quezon City.

Ayon kay Rosario Cabrera, Director ng Office of Civil Defense (OCD) Western Visayas, pito naman ang nasawi sa paglubog ng bangka sa Iloilo at dalawa pa ang nawawala bunga ng malalakas na alon na epekto ng bagyong Lando.

Iniulat naman ni Benguet Gov. Nestor Fongwan na isa rin ang nasawi sa landslide sa Brgy. Dalipey, Bakun, Benguet na kinilalang si Fernando Gumpad, 57 taong gulang  sa kasagsagan ng bagyong Lando habang abala ito sa pagtratrabaho sa kanilang taniman ng gulay.

Sa ulat ni Nueva Ecija Go­v. Aurelio Umali, dalawa rin ang bangkay na natagpuan na tinatangay ng agos ng tubig baha na inaalam pa kung residente ng kanilang  lalawigan. Isa ring 6 anyos na batang babae ang nawawala matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa Nueva Vizcaya.

Base naman sa report ng pulisya, dalawa katao ang nasawi na kinilalang sina Hazel Pacose, 25 at Eddie Panan, 53 matapos na sumalpok ang sinasakyan ng mga itong van sa puno ng gemelina sa Gonzaga, Cagayan sanhi ng madulas na daan sa pananalasa ng bagyong Lando. Tatlo rin katao ang iniulat na nasugatan sa insidente.

Isa rin ang napaulat na namatay mula naman sa Dinalungan, Aurora matapos na malunod.

Sa report naman ng CARAGA Police, isa katao ang nasawi na kinilalang si Teofilo Saguin at 26 ang nailigtas matapos na lumubog ang isang pampasaherong bangkang Jaymart sa karagatan ng Brgy Zaragoza, Surigao City, Surigao del Norte  na bunga ng malalakas na alon dulot ng bagyong Lando.

 

Show comments