Dating Sen. Kit Tatad pinapadiskwalipika rin si Poe sa 2016

Muling nahaharap sa disqualification case si Sen. Grace Poe. Philstar.com/Efigenio Toledo IV

MANILA, Philippines – Muling sinampahan si Sen. Grace Poe ng disqualification case sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Lunes.

Sa inihaing reklamo ni dating Sen. Francisco "Kit" Tatad sa Comelec, sinabi niyang hindi natural-born Filipino si Poe kaya dapat ay madiskwalipika siya sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa eleksyon 2016.

Dagdag niya na bigo ring magawa ni Poe ang 10-year residency requirement upang tumakbo bilang pangulo.

Nitong Biyernes sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ay isang abogadong taga-Makati ang naghain din ng disqualification case laban kay Poe.

Unang naharap sa kaparehong kaso ang senadora matapos magreklamo si Rizalito David sa Senate Electoral Tribunal (SET).

Nais ni David na masibak bilang senadora si Poe dahil sa isyu ng kaniyang citizenship at residency tulad ng iginigiit ni Tatad.

Sa kasalukuyan ay dinirinig pa rin ng SET ang reklamo ni David at wala pang desisyon kung si Poe nga ba ay isang natural-born citizen o naturalized citizen.

Tinanggap nama ng Comelec ang COC ni Poe dahil wala pang hatol ang SET.

 

Show comments