MANILA, Philippines — Hindi nakikitang problema ni vice presidential candidate Bongbong Marcos ang kaniyang pagiging Marcos para sa nalalapit na eleksyon 2016.
Tinuturing ng senador na isang asset ang pagiging Marcos sa kabila ng mga kinakaharap ng isyu kaugnay ng kinasangkutang kontrobersya ng kaniyang ama at dating Pangulo Ferdinand Marcos.
"Ako na yata ang pinakaswerteng tao sa lahat ng kilala kong tao dahil pinanganak akong Marcos, na-expose kahit maliit pa eh exceptional naman talaga ang aking naging pamilya," pahayag ni Marcos sa kaniyang panayam sa “Umagang Kay Ganda.”
Naniniwala siyang sa oras ng botohan ay hindi ang isyu ng kaniyang pamilya ang maiisip ng public kundi ang kinakaharap na suliranin araw-araw.
"Ang taumbayan, hindi 'yan ang pinag-uusapan. Pinag-uusapan nila problema sa droga, ang taas ng presyo ng bilihin, ang korupsyon, ang walang trabaho. 'Yun ang mga inaalala ng mga tao," dagdag ng senador.
Bukas naman ang senador na pag-usapan ang nakaraan ng kaniyang pamilya, ngunit aniya mas maraming importanteng kailangang talakayin bukod dito.
"Sige, kung nais niyong pag-usapan 'yan ang pagka-Marcos ko, sige, pag-usapan natin pero palagay ko unahin natin ang mga isyu na talagang iniisip ng ating mga mamamayan araw-araw," wika pa ni Marcos Jr. said.
Makakatambal ni Marcos si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa darating na eleksyon.
Aniya pinag-uusapan pa nilang dalawa ang kanilang mga gagawin sa kampanya.
"'Yun ang pinag-uusapan namin kung ano ang plano at papaano ang gagawing arrangement. Nagliligawan pa kami."