MANILA, Philippines – Humina na ang bagyong “Lando” habang mabagal ang paggalaw nito patungong Ilocos at Cordillera region, ayon sa state weather bureau ngayong Linggo ng gabi.
Huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa Tinoc, Ifugao kaninang alas-10 ng gabi.
Taglay na lamang ni Lando ang lakas na 130 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 160 kph, habang gumagalaw pa-hilaga hilaga-kanluran sa bilis na 5 kph.
Nakataas pa rin naman ang public storm warning signal sa mga sumusunod na lugar:
Signal no. 3
- Benguet
- Ilocos Sur
- La Union
- Ilocos Norte
- Abra
Signal no. 2
- Pangasinan
- Zambales
- Nueva Vizcaya
- Ifugao
- Mountain Province
- Kalinga
- Apayao
- Tarlac
Signal no. 1
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Nueva Ecija
- Northern Quezon
- Quirino
- Aurora
- Isabela
- Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan group of Islands
- Batanes
- Metro Manila
Inaasahang nasa Magsingal, Ilocos Sur ang bagyo bukas ng gabi, at sa 100 km hilaga hilaga-silangan ng Laoag, Ilocos Norte sa Martes.
Tatagal pa hanggang Biyernes ang bagyo na tinatayang nasa 45 km hilaga hilaga-silangan pa ng Itbayat, Batanes.
Nagsuspinde na ng klase sa lahat ng antas ang iba’t ibang lokal na pamahalaan para sa Lunes.
Dalawang katao naman ang naiulat nang nasawi dahil sa epekto ni Lando.