MANILA, Philippines – Hindi pa man nakaaalis ng bansa, dalawang katao na ang nasawi sa hagupit ng bagyong “Lando” na nanalasa sa hilagang bahagi ng Luzon.
Isang teenager ang napabalitang nasawi matapos mabagsakan ng puno sa lungsod ng Quezon ngayong Linggo, habang isang 62-anyos na lola ang nabagsakan ng gumuhong pader sa Subic.
Ayon sa mga awtoridad, aabot sa 16,000 katao ang lumikas ng mga kanilang tirahan, habang siyam na lalawigan ang nawalan ng kuryente.
Tumama sa kalupaan ang bagyong Lando sa Casiguran, Aurora kaninang ala-1 ng madaling araw.
Tatlong mangingisda naman ang nailigtas ng Philippine Coast Guard sa lalawigan ng Bataan at tatlo pang nawawala ang nakita sa evacuation camp sa Baler, Aurora.
Tinatayang magtatagal pa si Lando sa bansa sa mga susunod na araw ngunit inaasahang hihina rin ito.
Si Lando ang pang-12 bagyo ngayong taon.