MANILA, Philippines – Pinag-iingat ni Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo ang mga kababayan na nakatira sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Lando.
“Makinig sa mga balita para sa bagong ulat ukol sa bagyo at mag-imbak ng pagkain, tubig at gamot,” wika ni Robredo.
“Ihanda rin ang mga mahahalagang gamit sakaling kailangang lumikas sa mas ligtas na lugar. Sumunod din sa mga ipag-uutos ng awtoridad. Para po ito sa ating kaligtasan,” dagdag pa niya.
Hinikayat naman ni Robredo ang pambansa at lokal na pamahalaan na ihanda ang mga kailangan gamit sa rescue operation, evacuation sites, pati na ang ipamamahaging relief goods sa mga lilikas.
“Sa ating sama-samang pagtutulungan, maiiwasan natin ang anumang sakuna,” giit ni Robredo.
Sa huling advisory ng PAGASA, signal No. 3 sa Nueva Ecija, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Zambales.
Signal No. 2 naman sa Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Isabela, Aurora, Abra, Apayao, Ilocos Norte, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Northern Quezon including Polillo Islands at Metro Manila.
Signal No. 1 sa Batanes, Cavite, Laguna, Batangas at nalalabing bahagi ng Quezon.
Taglay ng bagyong Lando ang lakas ng hanging 150 kph malapit sa gitna at bugso na 185 kph.
Kumikilos ang bagyo patungong west northwest sa bilis na 5 kph.