MANILA, Philippines – Mahigpit na tinututukan ni Pangulong Aquino ang mga lugar na apektado ni Lando lalo’t posible umanong magtagal pa sa bansa ang bagyo.
Ayon kay Communication Secretary Herminio Coloma, nasa Malacañang lamang ang Pangulo at minomonitor nito ang kaganapan at sitwasyon sa mga lugar na hinahagupit ng bagyo.
Sinabi ni Coloma na wala pang iskedyul ang Pangulo na magtungo sa NDRRMC.
Alinsunod sa utos ng Pangulo, tuloy-tuloy ang pagkilos ng mga local disaster risk reduction and management council katuwang ang DSWD, DPWH, AFP, PNP, Department of Energy at DILG, at mga ahensyang nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa upang mabigyan ng kaukulang tulong at serbisyo ang ating mga mamamayan at pamilya sa mga Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, at CAR.
“Patuloy din ang mahigpit na pagmamanman ng DOST at ng PAGASA sa galaw ng bagyo, maging ang paglalabas ng mga advisory at weather bulletin na magsisilbing gabay sa mga disaster response and rescue unit,” wika pa ni Coloma.