MANILA, Philippines – Apat katao ang iniulat na nasawi habang nasa 15,000 ang inilikas sa pananalasa ng bagyong Lando .
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council, mahigit 15,000 residente ang nasa 123 evacuation centers na ngayon. Posible umanong madagdagan pa ang magsisipaglikas dahil sa Miyerkules pa inaasahang aalis sa bansa ang bagyo.
Samantala, sabi ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali sa isang television interview na nahihirapan ang mga residente sa katabing lugar ng Cordillera na marating ang mga residente na na-trap sa baha.
May mga barangay na umanong hindi marating at ipinabatid sa kanya na may nakitang dalawang katawan na palutang-lutang sa tubig.
Ayon naman kay Nigel Lontoc, assistant civil defense chief sa rehiyon, hindi pa narerekober ang dalawang katawan.
Habang dalawa ang nasawi sa Quezon City na kinilalang sina Ronel Adams Castillo, 14 at Ma. Esperanza Palparan matapos madaganan ng nabuwal na puno ng Ipil ang kanilang bahay.
Sabi ni Undersecretary Alexander Pama, NDRRMC executive director, inirekomenda na nila ang puwersahanh paglikas sa Cordillera Administrative Region lalo na sa mga barangay na madalas na makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon sa ulat, umabot sa 14 road sections at 10 tulay ang hindi madadaanan dahil sa baha at landslides sa Regions 2, 3, 5 at CAR.
Pitong tulay din ang ‘di madaaanan dahil sa mga pagguho ng lupa, pagbaha, pagbagsak ng debris.
Nawalan naman ng supply ng kuryente ang bahagi ng San Fernando City, La Union at 18 bayan sa Regions I, III at IV-A.
Habang naitala ang Province-wide power outages sa Pangasinan, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Apayao at Kalinga.
Bagsak naman ng linya ng kumunikasyon sa bayan ng Dinalungan, Casiguran, at Dilasag sa lalawigan ng Aurora.