MANILA, Philippines - Lalu pang lumakas ang bagyong Lando habang patuloy na nagbabanta sa lalawigan ng Aurora, Isabela at Northern Quezon.
Alas-5 ng hapon kahapon, si Lando ay namataan ng PagAsa sa layong 230 kilometro ng silangan ng Baler, Aurora taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 210 kilometro bawat oras. Si Lando ay kumikilos pakanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas sa Signal number 4 ang Aurora at signal number 3 naman sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Ifugao, Northern Quezon kasama na ang Polillo Islands.
Signal number 2 sa Cagayan kasama na ang Calayan at Babuyan group of Islands, Benguet, Mt. Province, Abra, Kalinga Apayao,Ilocos Norte,Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, nalalabing bahagi ng Quezon, Camarines Norte at Metro Manila.
Signal number 1 sa Batanes, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Lubang Island, Northern Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Sur, Albay at Catanduanes.
Ngayong Linggo ng umaga inaasahan ng PagAsa na maglaland fall ang bagyo sa lalawigan ng Aurora. Makakaranas naman ng storm surge sa Aurora at karatig lalawigan ng may 3 metro.
Ngayong Linggo ng hapon, si Lando ay nasa bisinidad ng Nagtipunan, Quirino at sa Lunes ng hapon ay nasa Lubuagan, Kalinga.
Sa Martes ng hapon ay nasa layong 20 kilometro ng hilagang kanluran ng Aparri, Cagayan at sa Miyerkules ng hapon, si Lando ay inaasahang nasa layong 70 kilometro timog ng Basco, Batanes at sa Huwebes ay nasa layong 130 kilometro ng hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Patuloy na pinag-iingat at pinaghahanda ng Pag Asa ang mga residente sa mga nabanggit na lugar at pinagbabawalan din ang mga mangingisda na huwag munang maglalayag dahil sa malalaking alon sa karagatan.