MANILA, Philippines – Lumakas ang bagyong Lando habang papalapit sa direksiyon ng Isabela-Aurora province kung saan dito inaasahang mag-landfall ngayong gabi o Linggo ng umaga.
Taglay ni Lando ang lakas ng hangin na umaabot sa 130 kilometro bawat oras at pagbugso na 160 kph.
Alas-5 ng hapon kahapon, si Lando ay namataan sa layong 510 kilometro silangan ng Baler, Aurora at kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas sa signal number 2 ang mga lalawigan ng Aurora, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Northern Quezon, Polillo Island.
Signal number 1 naman sa Cagayan, Abra, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Bataan, Rizal, Laguna, nalalabing bahagi ng Quezon province, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Metro Manila.
Inaasahang magtatagal pa si Lando sa bansa hanggang sa susunod na linggo kaya pinapayuhan ng Pagasa ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat.