MANILA, Philippines – Naghain na ng certificate of candidacy si Rodrigo Duterte, pero sa halip na sa pagka-presidente gaya ng inaasahan ng kanyang mga tagasuporta, re-election sa pagka-alkalde ng Davao City ang isinumite nito.
Alas-2:35 ng hapon ng dumating ang chief of staff ni Duterte na si Bong Go at City Administrator ng Davao City na si Melchor Quitain upang ihain ang COC ni Duterte.
“Thank you sa tanang supporters. I have decided to run for mayor of Davao City again,” mensahe ni Duterte na binasa ni Quitain.
Mensahe pa ng alkalde, nalulungkot siya para sa lahat ng kanyang supporters. Paglilinaw pa ni Duterte, simula pa lang ay wala na siyang sinabing tatakbo siya sa pagka-pangulo.
Ayon naman kay Quitain, Lunes pa lang ay desidido na talaga si Duterte na huwag tumakbo sa pagka-pangulo at sa halip ay kumandidato na lang para sa re-election ng pagka-alkalde.
Suot naman ni Go ang puting polo shirt na naglalaman ng umano’y pananalita ni Duterte na: “No is no. Sinabi kong hindi ako tatakbo, ang titigas ng ulo ninyo.”