MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni dating senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi siya kailangang takutin sa mga kondisyon sa pagiging guest candidate ng Liberal Party.
Ayon kay Lacson nakipag-usap na siya ng personal kina LP presidential bet Mar Roxas at Sen. Grace Poe at nilinaw na niya sa mga ito ang kanyang mga dapat at hindi dapat gawin bilang kanilang guest candidate.
“I value my word as I value my integrity and honor. I need not be told and worse, in a veiled threat manner that some people want to project,” ani Lacson.
Naghain na ng kanyang certificate of candidacy sa Comelec si Lacson na nagnanais na makabalik bilang senador.
Pumayag rin itong ampunin ng tatlong nangungunang presidential candidates.
Noong Martes, inihayag ni LP spokesman Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo na ang mga senatorial bets sa ilalim ng administrasyon ay maaaring ampunin ng ibang political groups, pero aakyat lamang sa stage kasama sina Roxas at running mate nitong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Napaulat na sinabi umano ni Quimbo na nilinaw ng LP sa kanilang 12 senatorial bets ang “Roxas-Robredo only” clause. Si Lacson ay isa sa mga guest candidates ng LP.
Sinabi naman ni Lacson na wala silang dapat itago at alam niya kung ano ang napagkasunduan.
Idinagdag nito na isang malaking kayabangan kung tatanggi ang isang kandidato na maging isang guest candidate ng anumang lehitimo at seryosong presidential candidate.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi rin niya tinanggihan ang imbitasyon ni Vice President Jejomar Binay na maging guest candidate ng United Nationalist Alliance.