MANILA, Philippines – Bawal tumapak sa entablado ang mga senatoriables ng Liberal Party (LP) kasama ang ibang presidentiables at vice presidentiables mula sa ibang partido.
Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, spokesman ng Daang Matuwid coalition, maaaring tumanggap ng endorsements mula sa ibang partido ang mga kandidato sa pagka-senador ng LP.
Subalit hindi nila maaaring suportahan ang kandidato ng ibang partido sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Giit ni Quimbo, malinaw umano ang tagubilin ng mga opisyal ng LP na tanging sina LP standard bearer Mar Roxas at running mate nitong si Camarines Rep. Leni Robredo ang dapat nilang suportahan.
Ginawa ni Quimbo ang pahayag sa pagsagot sa tanong kung papayagan ng LP si Sen. Ping Lacson na lumahok sa ibang partido bilang guest candidate.
Ayon sa kongresista, nagbigay na ng commitment si Lacson na sasama ito sa kampanya ng koalisyon.
Matatandaang noong 2013 elections ay naging common candidates ng LP at UNA sina Sens. Grace Poe at Chiz Escudero pero inilaglag rin sila ng UNA dahil sa hindi pagsama sa kampanya.