MANILA, Philippines – Isusulong ni Koalisyon ng Daang Matuwid senatorial candidate Jericho “Icot” Petilla ang mas mababang rate ng kuryente sa pamamagitan ng pag-amyenda sa EPIRA Law sa sandaling magwagi siya sa darating na 2016 senatorial race.
Sinabi ni Icot Petilla sa media interview matapos ipakilala ng Liberal Party (LP) ang 12 senatorial ticket nito sa Balay Headquarters, sa sandaling maupo siya sa Senado ay prayoridad nito ang pag-amyenda sa EPIRA Law upang mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Wika pa ni Petilla, ang EPIRA Law ay dapat magsilbi para sa kagalingan ng mamamayan at electric consumer subalit nagmistulang pinaboran nito ang mga power generators at Independent Power Producers (IPP’s).
Aniya, ang mga magagandang probisyon sa EPIRA Law ay dapat manatili subalit ang mga probisyon na kontra-mamamayan at pabor sa mga IPP’s ay dapat alisin at palitan para mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Idinagdag pa ni Petilla, kahit nagsilbi siyang kalihim ng Department of Energy (DoE) ay wala siyang magagawa dahil nakatali tayo sa EPIRA Law kaya dapat ang batas na ito ang baguhin at amyendahan upang maibaba natin ang presyo ng kuryente.
“May mga malabong probisyon sa EPIRA Law na dapat baguhin tulad ng cross-ownership. Dapat ilahad sa taumbayan ang mga negosasyon at usapan. Kapag walang batas na matino, inutil ang magiging DOE secretary. Kaya dapat ibaba ang presyo ng kuryente,” paliwanag pa ni Petilla.