MANILA, Philippines – Pinag-aaralan pa ng Lakas-CMD kung sino ang susuportahang Pangulo at Pangalawang pangulo ng bansa sa 2016 elections.
Sinabi ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, chairman ng Lakas-CMD, hindi kumuha ang kanilang partido ng pormal na koalisyon kaya plano nila na pagkatapos mag-file ng lahat ng mga kandidato sa Biyernes ay saka lamang umano mag-uusap-usap ang kanilang partido para pinal na tukuyin kung sino ang Presidential at Vice Presidential bet na susuportahan.
Tatalakayin umano ng partido kung anong klaseng relasyon din ang mayroon sila sa ibang partido gayundin ang mga nag-iimbita sa kanila upang matimbang ng husto ang mga dadalhing pambato.
Kahapon ay naghain ng kanyang Certificate of Candidacy si Romualdez na tatakbong Senador sa 2016 at inamin na naimbitahan siya na maging guest candidate sa ilalim ng Poe-Escudero tandem, Binay-Honasan ng United Nationalist Alliance at kung sakaling magbago ang isip at tumakbong Pangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay nasa ilalim din siya ng senatorial slate nito.
Samantala, hihilingin naman ni Romualdez kay Pangulong Aquino na ideklarang urgent bill ang panukalang pagbibigay ng tax exemption sa Persons With Disabilty (PWD) at ibang diskwento na katulad ng nakukuha ng mga senor citizens.