Registration ng absentee voting palawigin! – OFWs

MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang militanteng grupo sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Foreign Affairs-Overseas Absentee Voting Secretariat (DFA-OAVS) na palawigin ang registration ng overseas absentee voters (OAV) na magwawakas sa Okt. 31, 2015.

Sinabi ni John Leonard Monterona, Migrante-Middle East regional coordinator, na maraming Pilipino sa  labas ng bansa ang nais makapagparehistro upang makaboto ngunit nahihirapan magtungo sa mga Philippine diplomatic post dahil sa trabaho at sa gagastusing pamasahe.

"We understand that the OAV registration will be ending on October 31. However, there are more overseas Filipinos who have manifested their willingness to register so that they can vote for the incoming national elections,” pahayag ni Monterona.

Kinakailangang personal na magtutungo ang sinumang nais magparehistro.

Mayroon din namang scheduled field mobile registration ang Comelec, ngunit sinabi ni Monterona na mas mainam kung gagawin ito sa labas ng mga pangunahing lungsod ng bawat bansa upang mas maraming Pilipino ang maabot.

Ayon sa Comelec-DFA-OAVS statistical report nitong Setyembre ay nasa 1,103,809 registered voters overseas na ang nakanilang naitala.

 

Show comments