MANILA, Philippines - “Sila ang mga pambato ng koalisyon ng Daang Matuwid para sa Senado sa taong 2016.”
Sa mga katagang ito ay opisyal nang nakumpirma ang mga pambato ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa senado sa 2016 election. Kahapon ay inilunsad ang line up ng mga senatoriable ng tinawag na “Koalisyon ng Daang Matuwid” sa lungsod Quezon na pinamunuan mismo ni PNoy.
Binubuo ng iba’t-ibang personalidad sa loob at labas ng serbisyo publiko at sektor ang ‘‘Team Daang Matuwid’’, na pinangungunahan ni Se-nate President Franklin Drilon, Ralph Recto, Teofisto Guingona III, dating mga senador na sina Francis “Kiko” Pangilinan at Panfilo “Ping” Lacson, Justice Secretary Leila de Lima, dating Akbayan Party-List re-presentative Risa Hontiveros, TESDA Director General Joel Villanueva, TIEZA head Mark Lapid, COOP NATCO party-list representative Cresente Paez, dating Energy Secretary Jericho “Icot” Petilla at DILG Assistant Secretary for Mus-lim Affairs Narima Ambolodto.
“Buo na ang Team Daang Matuwid,” bigkas ni Mar Roxas, pambato ni PNoy sa pagkapa-ngulo. Nagbigay ng maikling talumpati si Roxas kung saan ipinangako nito na ipagpapa-tuloy nila ang nasimulan ni PNoy para itaguyod ang pa-ngarap ng pamilyang Pilipino.
Idiniin ni PNoy ang kaha-lagahan ng pagbuo ng senatorial slate base sa prinsipyo at hindi dahil nangangaila-ngan lamang na mapuno ang listahan. “Di ho namin ugali ang magpuno lang ng listahan para lang may mailaban. At sa tingin ko po, walang makakapagsabi na taliwas sa ating agenda ng mabuting pamamahala ang mga kasama natin,” sabi niya.
Kumpleto naman ang mga haligi ng Aquino administration, pati mga miyembro ng Gabinete na todo suporta kay PNoy, Mar Roxas at Rep. Leni Robredo. Inanunsyo din bilang campaign manager ng mga pambato sa senado si House Speaker Sonny Belmonte, si Congressman Edgar Erice bilang tagapagsalita ng LP, si Akbayan representative Barry Gutierrez at Marikina representative Miro Quimbo bilang mga tagapagsalita ng Team Daang Matuwid.
Umaasa naman si PNoy na magiging maganda ang pagtanggap ng mga botante sa kanyang mga kandidato, tulad ng naging pagtanggap nito sa Team PNoy noong 2013 kung saan landslide ang panalo ng mga senatoriable nito.