MANILA, Philippines - Nagtungo kahapon sa tanggapan ng Commission on Elections para mag-file ng kanilang mga Certificate of Candidacy ang standard bearer ng United Nationalist Alliance na si Vice President Jejomar Binay at runningmate niyang si Senador Gregorio Honasan.
Ang ‘‘Bingo team’’ (pinagsamang pinaikling pangalan nina Binay at Honasan) ang unang pares ng kandidatong presidente at bise presidente na naghain ng COC sa unang araw ng isang linggong ta-ning sa pagsasampa nito sa Comelec.
Kasama ni Binay ang asawa niyang si Elenita at mga anak na sina Senator Nancy at suspendidong Makati Ma-yor Junjun Binay.
Ilang minuto bago nagsimula ang pagsasampa ng COC, kinumpirma ni Honasan ang pagtakbo niya bilang bise presidente.
Dumating ang kanilang grupo sa Comelec nang may kasamang marching band na ang mga miyembro ay nakasuot ng Binay shirts. Naunang dumating dito ang kanilang mga tagasuporta.
Sinabi ni Binay na ang maralitang mga Pilipino ang kanyang inspirasyon at patuloy niyang ipagtatanggol at pagsisilbihan ang mga ito.
“Isang hangarin lang ang gumabay sa aking dalawampu’t siyam na taong paglilingkod: Ang tugunan ang daing ng mahihirap,” paliwanag ni Binay sa isang pahayag. “Tulad ng marami nating kababayan, ako ay laking mahirap. Nang mamatay ang nanay ko at nasunog ang aming bahay sa Pasay, kami ay napalipat sa Makati. Sa kabutihang palad, ako ay napatira at pinalaki ng aking tiyo, na kapatid ng tatay ko,’’ ani Binay.