MANILA, Philippines - Inaasahang muling magsasagupa sina Senator Grace Poe at Rizalito David matapos na maghain ng kanyang kandidatura sa pagka-pangulo ang huli sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) bago ito magsara kahapon ng hapon.
Si David ang ika-20 sa 22 kandidato sa pagka-pangulo na naghain ng COC. Si David din ang nagsampa ng disqualification case laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Bukod kay David, naghain din ng COC sa pagkapangulo sina Vice President Jejomar Binay; Augusto Syjuco Jr.; Elly Pamatong; Ephraim Defiño; David Alimorong; Ralph Masloff; Camilo Sabio; Freddiesher Llamas; Danilo Lihaylihay; Adolfo Inductivo; Sel Hope Kang; Ferdinand Jose Pijao; Ramon Concepcion; Ferdinand Fortes; Eric Negapatan; Gerald Arcega; Leonardo Bulabula; Alejandro Ignaci at Arsemio Dimaya, Roberto Marin at Ferdinand Pijao.
Sina Senator Gringo Honasan naman at Myrna Mamon at Albert Alba ang unang tatlong naghain ng COC sa pagka-bise presidente.
Muli namang susubukin ni dating senador Panfilo Lacson na makabalik sa senado. Lalahok din sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na sinuportahan ng aktres na si Angel Locsin; Ricky Bacolod; Angel Ridoble; Victoriano Inte at Daniel Magtira na dati nang tumakbo sa pagkapangulo noong 2013 at nagpakilalang asawa ng presidential sister na si Kris Aquino.
Sinuportahan din si Colmenares ng political artist na si Mae Paner, o mas kilalang “Juana Change,” dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo, at Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus.
Binigyan diin naman ni Locsin na ang kanyang pagsuporta kay Colmenares ay hindi lamang sa pagiging magkamag-anak kundi paniniwala sa galing at kakayahan nito na paglingkuran ang mga Filipino.
Sa ngayon, wala pang inilalabas ang Comelec na guidelines kung paano matutukoy ang nuisance candidate kaya’t hindi mapipigilan ang sinuman na gustong maghain. Sa buwan pa ng Disyembre inaasahang malilinis ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato. Malinaw sa resolusyon ng Comelec ang mga requirement sa paghain ng COC.
Matapos ang filing ng COC ay isa-isang bubusisiin ng Comelec ang mga kandidato at saka ilalabas ang final list of candidates na pumasok sa requirements na itinakda ng batas. Sa Pebrero naman mag-uumpisa ang campaign period para sa national positions. May integrity pledge wall din na inihanda ang Comelec.
Bagamat hindi naman ito requirement, hinimok pa rin ng ahensiya ang mga kandidatong pumirma rito matapos mag-file ng COC.
Nakalagay sa integrity pledge wall na sana’y magkaroon ang bansa ng malinis malaya at mapagkakatiwalaang halalan.