MANILA, Philippines - Nagbitiw na kahapon si TESDA director-general Joel Villanueva sa Gabinete ni Pangulong Aquino bilang paghahanda sa pagtakbo nito bilang senador sa ilalim ng Liberal Party (LP) sa 2016 elections.
Isinumite ni Sec. Villanueva ang kanyang resignation letter sa Pangulo kahapon sa Malacañang sa pamamagitan ni Executive Sec. Paquito Ochoa Jr.
Nagpasalamat si Villanueva sa ibinigay na pagkakataon ni PNoy na maging bahagi ng official family nito upang makapaglingkod sa taumbayan bilang TESDA chief.
Siniguro naman ni PNoy na tatakbo si Villanueva sa ilalim ng LP taliwas sa mga napaulat na ibang partido ang pupuntahan nito.
Aminado naman si Villanueva na hindi siya komportableng kasama sa entablado sa darating na kampanya si Sec. Leila de Lima dahil sa pag-uutos nitong sampahan siya ng kaso kaugnay ng PDAF scam gayung mismong NBI ang nagsabing peke ang sinasabing dokumento na nag-uugnay sa kanya sa pork scam.