MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Vice Pres. Jejomar Binay sa gobyerno na gastusin ang milyun-milyong budget na nakalaan para sa mahihirap na mamamayan.
Ayon kay Binay sa kasagsagan ng Visayas-wide launching at oath taking ng United Nationalist Alliance sa Cebu City, milyon pa rin ang mahihirap na Pinoy dahil bigo na maresolba ang matinding problema ng kahirapan sa bansa.
“Nais nilang ipagpatuloy ang kasalukuyang sitwasyon na laganap pa rin ang kahirapan. Marami ang nagugutom. At milyun-milyon ang naghahanap ng trabaho,” ani Binay.
Iginiit ni Binay na hindi tama na may hawak silang malaking pondo na hindi naman umano ginagamit para sa kapakanan ng mamamayan.
Pinuna rin ni Binay ang kabiguang tutukan ang nararanasang kahirapan sa Visayas region na lalong lumala dahil sa bagyong Yolanda.
“Lalong nalubog sa kahirapan ang marami nating kababayan sa buong bansa lalo na sa Kabisayaan. Sa katunayan, ang poverty level sa Eastern Visayas lamang ay sumipa ng halos 55 percent noong 2014, kumpara sa 45 percent noong 2012,” pahayag ni Binay.
Sinabi ni Binay na nalulungkot at nababahala siya sa ginagawang pagpipigil ng gobyerno na pakawalan ang budget na nakalaan para sa mahihirap.
“Nariyan naman ang pera para tulungan ang ating mga kababayan ngunit hindi ito ginagastos ng lubusan. Nariyan din ang tulong mula sa maraming bansa at samahan na kailan lang ay naiulat na hindi nakarating sa ating mga kababayang dapat tulungan,” dagdag ni Binay.