MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Sen. Nancy Binay sa Senado ang tumataas na kaso ng dengue sa bansa.
Mula Enero 1 hanggang Setyembre 19 ngayong taon, ang kaso ng dengue ay tumaas ng 23.5%.
“In nine months, the number of dengue cases in our country has ballooned to 92,807. The government should be alarmed by this number because while the health department says that deaths due to dengue have gone down, the fact is that there are those who still die because of this illness,” pahayag ni Sen. Binay.
Nangako naman sina Vice President Jejomar Binay at Sen. Nancy na magbibigay ng medical supplies katulad ng intravenous fluids at gamot para sa pagsugpo ng dengue sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
Ayon pa kay Binay hind dapat magpaka-kampante ang Department of Health hangga’t hindi bumababa ang bilang ng nagkakaroon ng dengue.
“Importante po ang kalusugan ng bawat mamamayan. Malaki po ang gastos ng pamilya kapag nagkakaroon ng sakit ang kahit isang miyembro nito. Sa hirap po ng buhay ngayon, hahayaan pa po ba nating magkasakit ang taumbayan kung pwede naman itong maiwasan?” sabi niya.
Nauna ng naghain ng resolusyon si Binay upang hilingin sa Senado na imbestigahan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
“Dapat pong maimbestigahan ang isyung ito. Nagbabala na po ang DOH na maaaring mas dumami pa ang numero ng mga kaso ng may dengue. Dapat po siguro ay busisiin na ang isyung ito upang malaman ng taumbayan kung ano na ba ang tunay na estado ng bayan ‘pag dating sa sakit na dengue,” pahayag pa ng senadora.