Walang makakasuhan sa pagkamatay ng 9 SAF - DOJ
MANILA, Philippines - Walang makakasuhan sa pagkamatay ng siyam na 84th Seaborne commandos ng Special Action Force (SAF), base sa ikalawang bahagi ng imbestigasyon sa Mamasapano incident noong Enero.
Paliwanag ni Justice Secretary Leila de Lima, bagama’t malinaw umanong nagkaroon ng engkuwentro at malinaw ang pagkamatay ng siyam wala aniyang nakapagtuturo o tutukoy kung sino ang nakasagupa ng 84th Seaborne nang salakayin nila ang tinutuluyan ni Marwan.
Ani de Lima, hindi rin maaaring ipagpalagay na ang 90 na unang kinasuhan sa pagpatay ng 35 miyembro ng 55th Special Action Company (SAC) ng SAF ang sila ring responsable sa pagkakasawi ng Seaborne commandos.
Maging ang survivors ay hindi masabing ang mga nakabakbakan sa Bgy. Pinsandawan ang sila ring nakasagupa sa Bgy. Tukanalipao.
Wala rin umanong ebidensyang nakalap laban kay PO2 Christopher Lalan, ang tanging survivor ng 55th SAC, na umano’y pumatay ng ilang sibilyan. “’Hindi na-identify ang alleged victims and there are no witnesses pointing to PO2 Lalan for the deaths of the civilians.”
Dahil dito, walang kasong maaaring ihain laban kay PO2 Lalan.
- Latest