MANILA, Philippines - Suportado ng partidong PDP-Laban ang tandem nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano na tinawag ni PDP Laban President Sen. Koko Pimentel na formidable, strong at winnable team sa 2016 presidential election.
Ayon kay Pimentel, ang PDP Laban ay partidong nabuo sa ilalim ng Martial Law kaya mahirap maireconcile ang sinasabing posibleng pakikipagtandem ni Duterte kay Sen. Bongbong Marcos.
Ayon pa kay Pimentel, ang may pinakamalaking potensyal na runningmate ni Duterte ay si Cayetano na consistent umano sa kanyang adbokasiya laban sa graft and corruption.
Patunay aniya rito ang naging aktibong partisipasyon nito sa Senate Blue Ribbon sub-committee hearings sa alegasyon ng graft kay Vice President Jejomar Binay habang suportado naman ng PDP-Laban si Duterte dahil sa adbokasiya nito para sa federal form of government, ang sistemang matagal nang isinusulong ng partido.
Tinawag naman na “serious team with a serious chance of winning” ng ilang political analyst ang Duterte-Cayetano tandem.
Sinabi ni UP Prof. Ramon Casiple na hahatakin pataas ni Cayetano si Duterte dahil na rin sa ilang factors kasama na rito ang appeal sa mga botante, resources, organization at ratings.
Sinabi naman ni Dr. Dennis Coronacion, chairperson ng UST Political Science Department na ang no-nonsense image ni Cayetano ay akmang akma sa iron-fist approach naman ni Duterte kaya tiwala silang malaki ang magagawa nito sa bansa lalo na sa pagpapatupad ng mga polisiya.
Dagdag pa ni Coronacion na akma si Cayetano na pantapat kay Chiz Escudero na runningmate naman ni Grace Poe.
Naniniwala si Coronacion na kayang manalo ni Duterte sa buong Mindanao at Visayas kaya si Cayetano ang dapat nitong maging runningmate para makuha ang boto sa Luzon.