Palawan balak ‘kalbuhin’

Ang RA 7586 ay inakda noong 1992 sa pangunguna ni Sen. Loren Legarda at naglalayong proteksyunan ang kalikasan at kapaligiran sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga “protected areas” sa buong bansa na hindi puwedeng pakialaman ng sinoman, partikular na ang mga negosyante para na rin sa kapakanan ng mga dara­ting pang henerasyon. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Pinangangambahan na makakalbo ang mga kagubatan ng Palawan sa oras na mapagtibay ang House Bill 6141 o e-NIPAS law (enhanced National Integrated Protected Area System) Law na ipapalit sa Republic Act 7586.

Ito ang ipinahayag ni Palawan Congressman Douglas Hagedorn na nagsabi pa na nagulat siya at ang iba pang sektor na nagsusulong ng mga proteksyon para sa kalikasan nang malaman nilang inaalis ng e-NIPAS law sa sasaklawin nito ang Palawan.

Ang RA 7586 ay inakda noong 1992 sa pangunguna ni Sen. Loren Legarda at naglalayong proteksyunan ang kalikasan at kapaligiran sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga “protected areas” sa buong bansa na hindi puwedeng pakialaman ng sinoman, partikular na ang mga negosyante para na rin sa kapakanan ng mga dara­ting pang henerasyon.

Sa ilalim naman ng HB 6141, palalawakin at palalakasin pa ang batas pabor sa kalikasan.

Wika pa ni Hagedorn, tinatangka ng “ilang opis­yal” ng Palawan na maalis sa panukala ang Palawan sa argumentong may sarili na itong ‘Strategic Environmental Plan’ (SEP) sa ilalim naman ng RA 7611.

Pangamba ng mga pro-environment groups, ang pag-alis ng Palawan sa panukalang batas ay magbibigay-daan upang makapasok ang malala­king negosyo sa probinsiya kahit sa mga ‘key biodiversity areas’ nito na magdudulot naman ng malawakang pagkasira ng kalikasan.

Sinabi naman ni PPC ex-mayor Edward Hagedorn, kapatid ng mam­babatas, na labis silang “nababahala” sa impormasyon na nagawang alisin ng mga ‘vested interest’ ang lima sa mga KBA ng Palawan matapos maam­yendahan ang HB 6141.

“Sa halip na madagdagan ang ‘protected areas’ ng Palawan, gusto pang bawasan ng lima,” himutok pa ni Hagedorn.

Show comments