MANILA, Philippines – Dahil maituturing pang mga inosente, maaari pang tumakbo sa nalalapit na eleksyon sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla, ayon kay Senate President Franklin Drilon.
Sinabi ni Drilon na base sa Saligang Batas ay pagbabawalan lamang tumakbo sina Revilla at Estrada kung napatunayan na silang nagkasala.
“Pwede po, dahilan sa hindi pa naman sila disqualified, hindi pa sila convicted. They are presumed innocent hanggang po magkaroon ng judgment sa husgado. Yaan po ay nasa ating Saligang Batas,” pahayag ni Drilon sa kaniyang panayam sa radyo.
Kasalukuyang nakakulong sina Estrada at Revilla sa Philippine National Custodial Center sa Camp Crame kaugnay ng pork barrel scam.
Umaasa ang dalawang senador na makapagpiyansa sa kasong plunder matapos payagan ng korte ang kapwa akusadong si Sen. Juan Ponce Enrile.
Nitong nakaraang linggo ay sinabi ni Revilla na nais sana niyang tumakbong pangulo ngunit naapektuhan ang kaniyang desisyon ng kinakaharap na kaso.