MANILA, Philippines - Dahil sa umanoy ginagamit lang sa mga party o outing ang mahigit isang bilyong pisong annual budget kaya pinagpapaliwanag ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon ang lahat ng ahensiya ng gobyerno sa “extraordinary and miscellaneous expenses”.
Ginawa ni Ridon ang hakbang sa gitna ng kontrobersiya sa oath taking ng Liberal Party (LP) at kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao noong Huwebes dahil sa “malaswang performance” ng Playgirls na special gift umano ni MMDA Chairman Francis Tolentino.
Ayon kay Ridon, ang taunang 1-billion pesos na pondo ay ginugugol umano ng mga opisyal ng pamahalaan na pang-party, pang-outing at pondo para sa ibang pang “extra ordinary activities.”
Idinagdag pa ng kongresista na base sa data mula sa Department of Budget and Management (DBM), naglaan umano ang gobyerno ng kabuuang 3.1 billion pesos para sa extraordinary and miscellaneous expenses para sa mga taong 2014, 2015 at 2016.
Base pa umano sa DBM, ang Mataas at Mababang Kapulungan ang nakatanggap ng pinakamataas na alokasyon para sa extraordinary and miscellaneous expenses kada taon; at pangalawa ang Hudikatura.
Habang ang Office of the President naman ay may average na 16.4 million pesos na extraordinary and miscellaneous expenses bawat taon, samantalang ang DILG ay may annual 7.6 million pesos na pondo para sa katulad na purpose.
Bagaman nasa ilalim ng General Appropriations Bill, sinabi ni Ridon na ang pondo ay “prone” o bukas sa pang-aabuso, lalo pa at hindi suportado ng regular budget allocation.
Iginiit pa ni Ridon na lehitimo naman ang budget para sa extraordinary and miscellaneous expenses subalit ang malaking tanong ay kung papaano at magkano ang inilalaan para sa mga official entertainment, public relations at iba pa.