Mar-Leni tandem idineklara ng LP

Itinaas ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga kamay nina Liberal Party standard bearer Mar Roxas at vice presidential candidate Leni Robredo. Michael Varcas

MANILA, Philippines - Pormal nang idi­nek­lara ng Liberal Party sa isang pagtitipon sa Club Filipino sa San Juan City na si Camarines Sur Congresswoman Leni Robredo ang kandidatong bise presidente ng kanilang standard bearer na si Mar Roxas sa halalang pampanguluhan sa 2016.

Ginawa ng LP ang deklarasyon kasabay ng pagtanggap ni Robredo sa alok na maging katambal ni Roxas sa darating na halalan.

Nagpasalamat naman si Robredo sa kanyang mga anak sa pagbibigay ng ‘blessing’ na tumakbo siya bilang bise-presidente at muling magsakripis­yo para sa bayan tulad ng kanyang yumaong asawa na si dating Interior and Local Government Secretary, Jesse Robredo.

 “Ibinigay ko po ang aking sarili nang buong-buo lalung-lalo na sa mga nakatsinelas sa labas, sa baba at sa laylayan ng lipunan,” dagdag pa ni Rep. Leni.

Dinaluhan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III ang okasyon. Ipinahayag din niya na idedeklara ng LP sa Biyernes ang 12 kandidatong senador nito.

Siniguro din ng Pa­ngulo kay Robredo na nasa likod nito ang buong LP at ang sambayanan sa pagtakbo nito bilang presidente.

“Paalala lang, sa ating mga katunggali na sanay na sanay na sa trapong politika, baka ngayon pa lang, gusto nang guluhin ang ating kandidatong si Leni, pahirapan ang kanilang mga anak. Noong nawala si Jesse, dumami ang mga foster father nitong mga batang ito. Personalan na tayo kung doon kayo hahantong,” dagdag pa ni Pa­ngulong Aquino.

Nanguna sa pagdedeklara sa tambalan nina Roxas at Robredo ang Pangulong Aquino, sina Senate President Franklin Drilon, House Speaker Feliciano ‘SB’ Belmonte at mga LP stalwarts.

Hindi birong panliligaw ang ginawa ni Roxas para makumbinsi si Robredo at mga anak nito na tumakbo bilang bise presidente niya.

“Matapos ang aking pagmumuni-muni at malalim na pag-iisip, malawak na konsultas­yon at mataimtim na pagdarasal, buong puso, buong pa­nanampalataya at buong tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pa­ngalawang pa­ngulo ni Secretary Mar Roxas,” sabi ni Robredo.

Ayon kay Robredo, nagdesisyon siyang tanggapin ang alok ng LP dahil tiyak niyang sang-ayon ang kanyang yumaong asawa sa pagsasakripisyo para sa bansa.

“Sa kanyang talum­pati, sinabi pa ni Robredo na naniniwala rin siyang ipagpapatuloy ni Roxas ang ‘Daang Matuwid’ na sinimulan ni Pangulong Aquino.

Nagpasalamat rin si Robredo sa kanyang mga anak na sina Aika, Tricia at Jillian, sa pagbibigay ng basbas sa kanyang kandidatura. Aniya, kung hindi siya pinayagan ng mga ito ay hinding-hindi siya susulong sa ‘laban. ‘

Ilan sa mga inaasahang makakatunggali sa vice presidency ni Robredo sina Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na ka-tandem ni Grace Poe; at sina Senador Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano, na nagdeklara na rin ng kanilang kandidatura. Posible ring makatunggali niya si Senador Bongbong Marcos.

Show comments