MANILA, Philippines – Ipagbabawal na sa susunod na buwan sa apat na araw ng Linggo ng Nobyembre, 2015 ang pagbebenta ng alak at iba pang nakalalasing na inumin partikular na sa 200 metro ang layo habang isinasagawa ang bar exam sa University of Santo Tomas (UST) sa España Blvd., Lacson Avenue, Dapitan St. at P. Noval St. sa Sampaloc, Maynila.
Sa ilalim ng Executive Order No. 22 pinirmahan noong Sept. 22, 2015, inutos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang implementasyon nito kung saan isasagawa ng Korte Suprema ang Bar examinations sa November 8, 15, 22, at 29. Ang order ni Erap ay may bisa sa mga nasabing araw mula 4 a.m. hanggang 8 p.m.
Ang sinumang hindi susunod sa EO No. 22 ay huhulihin at kakasuhan sa ilalim ng Sec. 12 ng Ordinance No. 3358 ng Lungsod ng Maynila. Sila ay maaaring hatulan ng husgado ng P200 na fine at/o kaya ay pagkakulong ng hanggang 6 na buwan.
Nanganganib ding bawiin ng lungsod ang business permit ng ano mang tindahan na hindi susunod sa order na ito. Taun-taon ay ginagawa ng pamahalaan ng Maynila ang suportang ito sa Bar exams upang maidaos nang maayos at tahimik ang nasabing examination. Nais ni Estrada na mabawasan ang mga lasing lalo na sa hanay ng mga kabataan, habang ang Bar examinations ay isinasagawa.
Mahalaga ito sapagkat bumabalik sa ating alaala ang nangyari sa De La Salle University sa Taft Ave. ilang taon na ang nakararaan. Nagkaroon ng gulo sa pagitan ng dalawang fraternities na may mga miyembrong kumukuha ng exams, at may granada na sumabog at naging biktima ang isang babaeng estudyante.