MANILA, Philippines – Nagbigay ng ultimatum si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa liderato ng Kamara na kailangang magkaroon na ng quorum ngayong araw sa ikalawang linggo ng deliberasyon ng pambansang budget.
Sinabi ni Atienza na noong nakaraang linggo ay pinagbigyan lamang nito ang kanyang mga kasamahang kongresista para hindi magkwestyon ng quorum.
Subalit ngayong araw ay hindi na umano ito uubra dahil noong mga nakaraang linggo simula Lunes hanggang Biyernes ay wala halos laman ang plenaryo ng Kamara.
Sa kabuuan mayroong 289 mga kongresista at kalahati nito o 145 ang kailangan para magkaroon ng quorum at dahil sa walang nagku kwestyon ng quorum ay tuloy tuloy lang ang delibirasyon sa P3.002 Trillion 2016 National budget.
Ngayong araw ng Lunes ay isasalang ang budget para sa DTI, ARMM, DILG, DOTC at mga attached agencies.
Nangako naman si House Majority leader Neptali Gonzales na pipilitin nitong magkaroon ng quorum upang matapos ngayong linggo ang deliberasyon ng pambansang budget.