MANILA, Philippines – Ihahayag ngayong araw ni Camarines Norte Rep. Leni Robredo sa programa ng Liberal Party (LP) sa Club Filipino ang desisyon kung tatakbo siya bilang bise presidente ni LP presidential standard bearer Mar Roxas.
Noong Miyerkules pa dapat ihahayag ni Cong. Leni ang desisyon ngunit humingi pa siya ng karagdagang panahon para pag-isipan ito.
Umuwi si Cong. Leni sa Naga at kinonsulta ang mga kababayan sa ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Nakaraang linggo, parehong inanunsiyo nina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na nasungkit na ng partido ang matamis na “oo” ni Cong. Leni.
“Sabihin na lang natin na si Congresswoman Leni na ang kandidato natin sa pagkabise-presidente,” wika ni Drilon.
“We want all of her family to feel very at ease with the decision and to be fully supportive of the decision and they are grown-ups na naman,” wika naman ni Belmonte.
Sa kanyang Facebook account, bumaha ng mensahe ng suporta sa pagtakbo ni Cong. Leni bilang bise presidente.
Para kay Facebook user Allan Guiang, si Cong. Leni ay akma sa posisyon dahil “may alam sa batas, hindi nagmamarunong, malinis, simple, matulungin, may malasakit sa tao at totoo siya sa sarili”.
Naalala pa ni Raul Springael ang ginawang tulong ni Cong. Leni sa kanyang kapatid, noong ito’y kabilang pa sa Public Attorney’s Office (PAO).
“Mabait at matulungin si Ma’am Leni. Hndi ko makakalimutan ang ibinigay niyang tulong sa aking kapatid. Malaki ang pasasalamat ng pamilya namin sa kanya. Maasahan mo kaming tutulong sa kampanya mo,” wika ni Springael.